Mga paraan ng paghahanda sa bagyo

Hindi natin matitiyak kung kailan magaganap
ang bagyo bagaman may mga ibinibigay na babala
ang mga ahensya ng gobyerno. Higit sa lahat, hindi
natin masasabi kung ano ang maaaring maging dulot
nito tulad ng matinding baha at pagkasira
ng ating mga ari-arian. Narito ang ilang mga paraan
ng paghahanda anumang oras kinakailangan.
• Iwasan ang panic buying. Huwag makipagsiksikan
sa mga tindahan o supermarkets sa mga ganitong
panahon. Ugaliin ang unti-unting pag-iimbak
ng mga de-lata at iba pang pagkain na matagal
ang petsa ng pagkasira o expiration. Dagdagan
ang mga binibili na maaaring itago at magamit
sa oras ng pangangailangan.
• Ihanda ang iba pang kagamitan. Maliban sa mga
pagkain tulad ng bigas, noodles, at de-lata,
magtabi rin ng mga emergency supplies
gaya ng baterya ng flashlight, gas, kandila, banig,
at kumot. Tiyakin na madali rin itong madadala
sa biglaang paglikas mula sa inyong lugar.
• Abangan lagi ang mga anunsiyo o alerto.
Mahalaga na abangan ang mga balita at babala
sa anumang uri ng komunikasyon upang malaman
ang mga dapat gawin at kung ligtas pa
ang inyong lugar o nararapat nang lisanin
ito pansamantala.
• Magkaroon ng listahan ng emergency telephone
numbers. Ilagay ito sa tabi ng inyong telepono
pati na rin sa inyong cellphone o sa anumang lugar
na alam ng bawat miyembro ng pamilya. Tawagan
ang mga ito kung nais humingi ng tulong sa mga
pampublikong ahensya at pribadong grupo
o magbigay ng impormasyon laban sa mga
mapagsamantalang tindahan.
• Alamin ang istruktura ng inyong tirahan. Upang
maiwasan ang kapahamakang dulot
ng masamang panahon, tiyakin na matibay
ang pagkakagawa ng inyong bahay. Bumili
ng mga materyales na pasado sa quality
standards. Bago pa man dumating ang tag-ulan,
alamin kung may mga dapat kumpunihin
o higit na pagtibayin pa sa inyong tahanan.
• Pumili ng lugar na pagtatayuan ng bagong bahay.
Alamin kung saan mas ligtas magtayo ng inyong
tirahan. Ang tabi ng mga bundok ay malapit sa
mga sakunang dulot ng landslides. Samantala,
ang mga mabababang lugar naman ay madaling
binabaha. Suriing mabuti ang lugar.

Submit a Comment