Kung binabalak na bumili ng kotse at ikinukunsidera
ang mga second-hand, narito ang ilang tips
na maaaring makatulong:
•
Suriing maigi ang body. I-tsek ang katawan
ng kotse at siguruhing wala itong yupi o kaya
ay palatandaan ng pagkakabangga. Bukod kasi
sa madali itong maitago ng pintura, mahal din
ang magiging pagpapaayos nito.
•
Iwasan ang mga flooded cars. Alamin kung naging
biktima ba ng baha ang sasakyang bibilhin.
Ang kotse kasing nabaha ay malamang
na magkaroon ng maraming depekto sa hinaharap.
•
I-tsek ang makina at radiator. Suriin din ang
makina at ang gas sa mga posibleng leaks.
Ang depektibong radiator at makina ay maaaring
magdulot ng mas malaking problema.
•
Magsagawa ng road test. Mahalagang aktwal
na mapatakbo ang kotse bago bilhin. Tingnan
kung kumportable ba itong imaneho at obserbahan
ang sistema nito kapag umaandar na.
•
I-tsek kung may malinis itong papel. Alamin
sa Land Transportation Office o L-T-O
kung maayos ba ang records ng kotse. Itanong
kung nasangkot ba ang bibilhing sasakyan sa mga
krimen o di kaya ay sa mga aksidente.
Source: DTI Radiobits – September 2012 Issue