Tips sa pagbili ng second-hand na kotse

Kung binabalak na bumili ng kotse at ikinukunsidera
ang mga second-hand, narito ang ilang tips
na maaaring makatulong:

Suriing maigi ang body. I-tsek ang katawan
ng kotse at siguruhing wala itong yupi o kaya
ay palatandaan ng pagkakabangga. Bukod kasi
sa madali itong maitago ng pintura, mahal din
ang magiging pagpapaayos nito.

Iwasan ang mga flooded cars. Alamin kung naging
biktima ba ng baha ang sasakyang bibilhin.
Ang kotse kasing nabaha ay malamang
na magkaroon ng maraming depekto sa hinaharap.

I-tsek ang makina at radiator. Suriin din ang
makina at ang gas sa mga posibleng leaks.
Ang depektibong radiator at makina ay maaaring
magdulot ng mas malaking problema.

Magsagawa ng road test. Mahalagang aktwal
na mapatakbo ang kotse bago bilhin. Tingnan
kung kumportable ba itong imaneho at obserbahan
ang sistema nito kapag umaandar na.

I-tsek kung may malinis itong papel. Alamin
sa Land Transportation Office o L-T-O
kung maayos ba ang records ng kotse. Itanong
kung nasangkot ba ang bibilhing sasakyan sa mga
krimen o di kaya ay sa mga aksidente.

Source: DTI Radiobits – September 2012 Issue

Apat na “S” na dapat tandaan sa mga negosasyon

Ang negosasyon ay isang mahalagang elemento
sa negosyo kaya naman marapat na paunlarin
ang ganitong kakayahan. Narito ang ilang payo:

Surprise. Asahang hihingi ng malaking diskwento
ang kausap sa negosasyon kaya naman
sorpresahin sila sa agad na pagbibigay
ng malaking diskwento. Makapagdudulot ito
ng “impulse” upang dali-daling makipag-deal.
Ang tawag dito ay counter-offer technique.

Summary. Natural lamang para sa mga kausap
ang patuloy na magduda at kumontra. Kaya
naman bilang isang sales professional,
hindi dapat magsawang ipaliwanag ang mga
benepisyong maaaring makuha sa produktong
inaalok. Dapat ay nakabuod o summarize
na ang mga ito upang higit na maunawaan
ng kliyente.

Slice. Paraan ito kung saan ay pagagaanin
ang kabuuang halaga ng isang produkto
sa pamamagitan ng paghahati-hati nito.
Halimbawa, maaaring ialok ang airconditioner
na nagkakahalaga ng P12,000 na bayaran
lamang ng isang libo kada buwan sa loob
ng isang taon.

Subtraction. Isa itong technique kung saan
nag-iiwan ng palaisipan kung ano ang maaaring
maging epekto kung sakaling hindi bumili
ang kliyente ng produktong inaalok. Halimbawa,
maaaring sabihin na kung walang washing
machine, patuloy na mahihirapan ang kliyente
sa pagkusot ng labada o mababawasan ang oras
na sana ay ilalaan na lamang sa ibang bagay

Source: DTI Radiobits – September 2012 Issue

Tips para sa mga house wife at house husband kung paano kumita

Iba’t iba ang dahilan kung bakit pinipili ng ibang nanay
o tatay na manatili sa bahay at ang kani-kanilang
mga kapareha na lang ang magtrabaho. Maaaring
pag-aaruga ng anak ang dahilan, maselang
pagbubuntis, o di naman kaya ay gawaing-bahay.
Subalit maaari pa ring kumita maski nasa loob lamang
ng tahanan. Narito ang ilang tips:

Kung may mga anak na hinahatid-sundo
sa paaralan, samantalahin ang oras na wala sila
para maging abala sa negosyo. Maaaring magluto
ng pagkain o miryenda na pwedeng itinda
sa mga kapitbahay o ilako sa mga malalapit
na establisyimento tulad ng opisina o paaralan.

Magbukas ng maliit na tindahan. Alamin
ang madalas kailanganin ng kapitbahay at ito
ang itinda. Hindi lang ito dagdag kita, kundi
mapagkakalibangan din.

Alamin ang mga maaaring pagkakitaan online.
Kung may kakayanan sa pagsusulat o di kaya’y
pagtuturo, maaaring kumita nang malaki
habang nasa loob ng bahay sa mga online
jobs tulad ng essay writing, tutorial services,
o proofreading. Alamin lamang kung anu-anong
kumpanyang nagbibigay ng trabahong online
ang mapagkakatiwalaan.

Gamitin ang creativity. Kung creative at marunong
sa mga arts and crafts tulad ng paggawa ng bridal
bouquets, customized shirts, at iba pang
malikhaing serbisyo, pagkakitaan ito. Subuking
mag-post ng sample na gawa sa blog o di kaya
sa social networking accounts para ma-promote
ito sa mga kaibigan, kakilala, at iba pang
potensyal na kliyente.

Mag-buy and sell. Magtinda ng mga damit,
sapatos, at iba pang kagamitan na maaaring kunin
nang bultuhan sa mas murang halaga.

Source: DTI Radiobits – September 2012 Issue

Pahalagahan ang mga kliyente

Ang mga kliyente ang bumubuhay sa negosyo.
Dahil dito, bukod sa husay ng produkto o kalidad
ng serbisyo, bigyang-diin ang mahusay na pagtrato
sa mga kostumer. Narito ang ilang tips:

Humingi ng dispensa. Kung sakaling magkaroon
ng pagkakamali, kahit maliit man ito, tiyakin
na maipararating sa kliyente ang paghingi
ng dispensa at ang inyong pagnanais na bumalik
sila. Halimbawa, kung magreklamo ang kliyente
dahil may dugo pa pala ang pritong manok
na inihain n’yo, palitan ito ng iba o papiliin
sila ng bagong ulam o samahan pa ito
ng libreng dessert.

Mas pahalagahan ang mga datihang kliyente.
Tila nakaka-excite mag-entertain ng mga bagong
kliyente at nagiging kampante naman tayo na
paulit-ulit na babalik ang mga dati nang kostumer.
Huwag balewalain ang datihang kostumer dahil lang
may bagong dumating.

Magpasalamat. Nakabubuhay ng loob ang simpleng
“thank you” o “salamat.” Naa-appreciate ito ng mga
kliyente. Kung may espesyal na okasyon tulad
ng nalalapit na Pasko, padalhan ng maliit na regalo
ang mga suki.

Itrato silang kaibigan. Huwag ilimita ang sarili
sa pakikitungo sa mga kliyente bilang kliyente
lang. Isipin din na maaaring maging tunay na
kaibigan ang mga kliyente. Sa ganitong paraan,
hindi lang negosyo ang lalago, kundi maging
ang sarili.

Source: DTI Radiobits – September 2012 Issue

Tipid tips para sa kasisimulang magtrabaho

Bagong pasok ka lang ba sa trabaho at umaasa
pa rin sa allowance? Narito ang ilang tips upang
maging masinop ang paghawak sa kinikita:

Magbaon ng pagkain. Lalo na sa mga business
districts na tiyak mas mahal ang mga inumin
at pagkain, malaking tipid kung magbabaon
na lang. Kung di naman kayang magbaon,
maghanap kung saan-saan mura at malinis
ang pagkain.

Maglakad. Kung walking distance lang naman
ang bahay mula sa main road, maglakad na lang.
Hindi lang ito mabuti sa bulsa kundi maging
sa katawan dahil ehersisyo na rin ito
lalo na sa mga trabahong palaging nakaupo.

Tumanggap ng gamit na second-hand. Isa sa mga
pinagkakagastusan ay ang mga damit pamasok
lalo na sa mga kumpanyang walang pauniporme.
Kung may di nagagamit na office wear
ang magulang o iba pang kapamilya, ang mga ito
muna ang gamitin. Unti-untiin na lang ang pagbili.
Maraming mas mahahalagang bagay na
makukuha kung iipunin ang perang ilalaan sana
sa damit.

Mag-ipon. Mag-set ng goals para ma-motivate
ang sarili. Halimbawa, nais mong regaluhan
ang magulang ng refrigerator o nais na mamasyal
at maglakbay sa mga lugar sa Pilipinas.

Mag-invest. Sa dalawang paraan maaaring
mag-invest: sa negosyo at sa edukasyon.
Kung bata pa naman, kumuha ng mga short
courses para ma-improve ang mga kakayahan.
Hindi rin naman dahil kasisimula pa lang sa
trabaho, magpapaka-happy-go-lucky na lang.
Kailangang maging matalino ang pagbabadyet
sa kinikita at siguraduhing may patutunguhan
itong maganda.

Source: DTI Radiobits – September 2012 Issue