Iba’t iba ang halaga ng kinikita ng bawat indibidwal.
Ang ilan ay nakatatanggap ng malaking halaga
o higit pa sa pangangailangan. Samantala, ang iba
naman ay maliit at sapat lamang o kulang pa
sa pang-araw-araw na gastusin.
Narito ang ilang mga paraan para sa tamang paghawak
ng pera:
• Pagpaplano sa paggamit ng pera. Lahat tayo
ay konsyumer. Anuman ang makita natin
na sa ating palagay ay kailangan natin ay ninanais
nang bilhin. Sa aspetong ito, maging mapanuri
sa pag-alam kung ang bibilhin ay pangunahing
pangangailangan o kagustuhan lamang natin.
• Alamin ang mga ginagastos at pumapasok
na pera. Alamin kung ilan ang natatanggap
kada buwan at tukuyin ang mga permanenteng
gastos sa bawat araw. Mahalaga ito upang
mabantayan kung saan nailalaan ang kinita
at kung ito ba ay nagagamit sa mas
kapaki-pakinabang na bagay kaysa sa mga
di-gaanong mahahalagang bagay.
• Mag-impok. Bago pa man gamitin ang regular
na sahod o anumang kita, itago na ang ilang
bahagi nito para sa ipon.
• Ilagak ang ipon sa bangko. Higit na makabubuti
na magbukas ng isang savings account upang
mapanatiling ligtas ang pera. Maaari pa itong
magkaroon ng interes.
• Gamitin ang pera sa paraang produktibo. Tiyakin
na ang ipon ay nakalaan lamang para sa oras
ng kagipitan. Pinapayong dapat may ipon na
katumbas ng anim na buwan na sweldo para
sa emergency fund. Kung ito ay gagamitin para
sa investment o pamumuhunan, nararapat din
na sumali sa mga libreng trainings o seminars
bago gamitin ang ipon.
• Dagdagan ang kaalaman. Makinig sa radyo;
manood ng telebisyon; o magbasa ng anumang
babasahin tulad ng pahayagan, libro, o magasin
tungkol sa mga usaping pinansiyal.